gabby alvarado / ang miron


Nagbabagang tanong tungkol sa Facebook

Posted in Uncategorized by Administrator on the November 21st, 2009

Isa ako sa mga nilalang sa balat ng lupa na hindi pa miyembro ng Facebook, Friendster o iba pang social networking sites. Kaya humihingi ako ng pasensiya sa mga nawalay kong kaibigan na maaaring sa mga sandaling ito ay naghahanap sa akin sa pamamagitan ng internet.

Baka akalain nila na nilamon na ako ng lupa o nagtago sa lungga. Marunong naman akong gumamit ng computer pero asiwa pa ako sa bagong gawi ng pakikipagkaibigan at pakikisalamuha sa internet. Sabihin nang old-fashioned ako o napag-iwanan ng panahon pero mas angkop pa din sa akin ‘yung face-to-face na usapan kung saan nagkakamayan – o nagtatagayan – ang magkakaibigan.

Pero siyempre may kainaman ding maging miyembro ng Facebook o Friendster. Nakukuha nating maging up-to-date sa buhay-buhay ng mga kaibigan, kamag-anak, dating classmates, boyfriend/girlfriend o mga ex na naninirahan na ngayon sa abroad.

Gayunpaman, may mga katanungan ako ukol sa Facebook at mga kagaya nito:

1. Kung hindi ba ako kasama sa Facebook, ibig bang sabihin hindi ako “in”?

2. Kung imbitahan ako ng aking anak na si Abby na maging friend, ano ang itatawag ko sa kanya – friend na din?

3. Kung may kaibigan ako sa Facebook at nag-away kami at nagsolian ng kandila, puwede ko na rin ba siyang i-delete sa buhay ko?

4. Kung mag-open ako ng account sa Facebook, may pumansin naman kaya sa akin at imbitahin akong maging friend?

5. Mas magiging close ba kami ng friends ko kung lahat kami nasa Facebook? O mas magkakaroon lang kami ng pagmumulan ng pagbabangayan?

6. Sa Facebook ba, makikilala mo kung sino ang tunay mong kaibigan – at kung sino ang kaibigang putik?

7. Pagkatapos ng siyam na oras na pagtatrabaho sa harap ng computer sa opisina, kaya pa ba ng powers ko na magbukas ng computer sa bahay at uriratin ang nangyayari sa buhay-buhay ng mga friends ko? Magtampo kaya sila sa akin sakaling may mga panahong hindi ko nabubuksan ang Facebook account ko at hindi kami nakakapagtsikahan?

8. Pag madami na akong friends sa Facebook, dadami kaya ang mauutangan ko – o mauutong pautangin ako?

9. Paano kung iilan lang ang pumayag na maging friend ko, ibig bang sabihin may diperensiya ako at hindi karapat-dapat maging kaibigan?

10. Kung sakaling makita ko sa Facebook ang dating kong crush at imbitahan kong maging friend, hindi kaya niya ako isnabin? Nabasted na nga ako dati, hanggang sa internet ba naman mababasted pa uli?

11. Kapag tinanggap ka ba na friend sa Facebook, feeling close na agad?

Last question: Paano ako nabuhay na walang Facebook?

Sa panahon ng unos, iisang bangka tayo

Posted in Uncategorized by Administrator on the October 18th, 2009

Survivor Philippines. Hindi ito ‘yung programa sa telebisyon. Ito ang ating State of the Nation – state of calamity. Kabi-kabila ang hagupit ng bagyo, sinusuyod buong bansa.

Nakalulunos ang larawan ng mga basang-sisiw nating kababayan na walang pagtaguan mula sa baha.

Bugbog-sarado sa galit ng kalikasan at kawalang-magawa ng pamahalaan. Survivor daw ang Pinoy. God bless us.

* * *

Anong Pasko ang naghihintay sa atin matapos ang ganitong kalamidad? Ilang buwan ang bibilangin bago tayo makabangon sa delubyong ito? 

Sa tuwing uulan o iihi lang ang palaka, mapagkatulog pa kaya ang mga na-trauma kina Ondoy at Pepeng?

Kung ikaw ay pinalad na hindi bahain nitong mga nakalipas na linggo, sinong makapagsasabing bukas-makalawa ay hindi ka rin tatamaan ng unos? Sa ganitong pagkakataon, iisang bangka tayo.

* * *

Bangkang papel at bangkang gawa sa pinaglumaang tsinelas ang pinaglalaruan naming magkakapatid noong bata pa kami at binabaha ang bayan namin sa Pampanga. Inihuhulog namin sa tubig mula sa aming bintana at pinagkakarera ang mga bangka-bangkaan.

Masaya kami dahil walang pasok sa eskuwelahan. Palibhasa mataas ang bahay namin, marami sa mga kanayon namin ang nakapisan sa amin kapag may baha.

Umaasa kami sa sako-sakong oatmeal na ipinamamahagi ng mga sundalong sakay ng truck na kung tawagin namin ay “amphibian”. Wala sa isip namin ang mga pananim at kabuhayan na napinsala ng bagyo.

Noong 1970s pa ang mga pangyayaring iyon. Halos walang pagbabago. Magnet pa rin tayo ng mga kalamidad. Kapuna-puna din hanggang ngayon ang kawalang-kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa ganitong emergency. Kung may nagbago man, iyon ang pag-iisip naming mag-uutol. Hindi na laru-laro sa amin ang baha.

* * *

Typhoon Signal No 8 sa Hong Kong: Umihip lang ang konting hangin, tapos na.

Casualties: Mangilan-ngilang punungkahoy ang nabuwal.

Typhoon Signal No 1 sa Metro Manila: Bumaha nang katakot-takot, lumubog ang mga bahay, inanod ang mga SUV, nagmistulang Dark Ages.

Casualties: 280 katao ang nasawi at P4.69 bilyon ang napinsala sa kabuhayan at imprastraktura.

* * *

Madaling magalit at maghanap ng sisisihin sa kalbaryong sinapit ng bayan natin. Ako man madalas ay ganyan. Subalit sa kasong ito, mas gusto kong pagtuunan ng pansin ang kabutihang-loob at kabayanihan ng mga kababayan natin sa oras ng peligro.

May iba pa nga na nagbuwis ng buhay para sagipin ang mga taong hindi naman nila kakilala o kaanu-ano.

Mahaba din ang listahan ng mga nagbigay ng donasyon sa mga biktima nina Ondoy at Pepeng.

Higit na mainam kung sa susunod na unos ay hindi na kailangang magpakabida o magpakabayani.

Maaari lang mangyari ito kung parang Boy Scout tayo na laging handa at nasa ayos ang pamumuhay sa Pilipinas. Walang sandamakmak na basura, walang kawatan sa gobyerno, walang nagtatayo ng bahay sa tabing-ilog at gilid ng bundok, walang umaabuso sa kalikasan, walang pasaway. Wishful thinking?

* * *

Nabasa ko kamakailan ang blog ni Carla Montemayor sa gmanews.tv.

Sang-ayon ako 100 per cent sa tinuran niya: “Yes, government failed and it continues to fail us but we take care of each other and make each other laugh. We are shaped by hurricanes and we are stronger than them.’’

Pulitika parang sine at palaging may Part 2

Posted in Uncategorized by Administrator on the September 19th, 2009

Ang pulitika parang pelikula. Kapag tumabo sa takilya, kailangan may sequel. Kung hindi ba naman, bakit nagbabalak tumakbo uling pangulo si Erap? Hindi pa ba sapat ang isang pagkakataon para sa kanya? Take two ang gusto. Malay nga naman natin baka makasilat. Sa atin kasi, kumikita ang pelikula kahit basura.

* * * *

Nang manumpa bilang pangulo si Erap noong 1998, buong ningning niyang sinambit: “Huwag ‘nyo akong subukan.” Ngayong nagpupumilit siyang bumalik sa trono sa Malacanang, kulang na lang ipagsigawan ‘nya: “Huwag ‘nyo akong pigilan.”

* * * *

Nag-iba ang dynamics ng halalan sa susunod na taon matapos sumama si Noynoy Aquino sa larangan ng mga presidentiable. Sa tindi ng pangungulila ng mga mamamayan kay Tita Cory, walang dudang panalo ang anak niyang si Noynoy sakaling magbotohan ngayon. Ewan lang kung ganoon pa rin ang pulso ng bayan pagdating ng Mayo. Bukod kasi sa madali tayong makalimot, hindi rin tayo nakasisiguro kung kakayanin ni Noynoy ang mga intriga, batikos at black propaganda na ibabato sa kanya ng mga kaaway.

Samantala, nagdasal muna ang binata at nagnilay-nilay bago magdesisyon kung pauunlakan ang hiling ng masa na ituloy ang laban nina Tita Cory at Ninoy.

Hindi natin masisisi si Noynoy kung kalyuhin ang tuhod sa paglalakad ng nakaluhod sa simbahan habang tinatawag lahat ng santo. Kailangan niya ng pangontra. Maraming ‘milagro’ sa pulitika – lalo na pagdating sa bilangan ng balota.

* * * *

Marami ang nag-uudyok na tumakbo uli sa Kongreso si Manny Pacquiao. Siguradong knockout daw ang kalaban. Paano kaya kung pagkapangulo ang asamin ni Pacman at palarin siyang manalo.

Sino ang kanyang magiging First Lady: ang asawang si Jinkee – o si Aling Dionesia?

* * * *

Dati-rati, magkahiwalay ang simbahan at pulitika. Parang tubig at langis na hindi umano puwedeng magsanib. Nagbago ang lahat nung manalong gobernador ng Pampanga si Among Ed Panlilio. Nabuksan ang pintuan ng maduming mundo ng pulitika para sa mga alagad ng pananampalataya. Napag-isip-isip ko: dati nang magkahalo ang relihiyon at pulitika. Lahat ng kumakandidato sa eleksiyon malakas ang pananampalataya … na mananalo sila!

* * * *

Noong panahon ng mga ninuno natin, kapag gustong maglingkod sa bayan ng kandidato, doon sa Plaza Miranda sa Quiapo niya isinusulong ang mga panukala at inihahain ang sarili sa mamamayan. Ngayon kapag nililigawan ng pulitiko ang mga botante, doon sa Wowowee! dumadayo para mangampanya. Magtataka pa ba tayo kung ang kapalaran ng pobreng Pinoy ay ala-tsamba din? Hindi kaya pinaglalaruan lang tayo?

* * * *

Hindi lahat ng umaasam na tumakbo sa pagkapangulo ay uubrang kumandidato sa 2010. Siyempre pa sasalain muna sila ng Comelec. Pipiliin kung sino ang may partido at kakayahang mangampanya at mamuno. Bubusisiin kung sino ang may K: karapatan at kaperahan. Ibabasura ang mga panggulo.

Nagsasayang lang ng pagod ang Comelec. Bakit hindi na lang hayaang kumandidato lahat? Kung si Carlo Caparas puwedeng maging National Artist, sinong magsasabing walang karapatang tumakbong presidente ang kapitbahay kong kalbo?

* * * *

Iisa lang ang sinasabi ng karamihan sa mga pulitiko tungkol sa desisyon nilang tumakbo: gusto nilang maglingkod sa bayan.

Sagot ko sa naman: Neknek ‘nyo. Tubuan sana ng pigsa sa kili-kili ang hindi nagsasabi ng totoo.

Ano ang lasa ng P1m hapunan ni GMA?

Posted in Uncategorized by Administrator on the September 3rd, 2009

Hong Kong: Laganap ngayon sa internet ang isang satirikal na larawan ng Pangulong
Arroyo. Nagtatalumpati siya sa litrato na pinatungan ng kulay dilaw. Anyong
may ipinapaliwanag si Arroyo habang nakataas ang dalawang kamay.

Sa pagkakaduktor ng larawan, ipinakitang may hawak na kutsara at tinidor ang
pangulo. Sa rostrum na kinalalagyan ng mikropono, nakasulat ang mga
katagang: “A Filipino is worth dining for”.

Isang kuwelang panunudyo ito kay GMA at sa mga kasama niyang kumain ng dinner sa isang class na restawran sa Amerika kamakailan. Pinaglaruan ng henyong bumatikos kay Arroyo ang makasaysayang tinuran ng dakilang si Ninoy bago siya pinaslang noong 1983: “The Filipino is worth dying for”.

Iniulat ng New York Post na umabot sa US$20,000 o halos P1 million ang bill ng
grupo ni Arroyo sa Le Cirque, isang kilalang French restaurant. Kung totoong ganoon nga ang nagastos sa piging, isipin mo kung ilang kumakalam na sikmura ang kayang busugin ng perang ito.

Huwag n’yong itanong sa akin kung masarap ang pagkain sa Le Cirque. Hanggang diyan sa turu-turo at sa kainan ni Mang Ambo lang ako. Malay ko bang orderin ang foie gras. Tinolang dilis at sinigang na sardinas lang, happy na ang alaga kong anaconda.
Ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang unang tumawag-pansin sa iniulat na bonggang-bonggang salu-salo. Parang namantikaan ang nguso ng mga kaaway ni Arroyo dahil may bagong isyu laban kay GMA. Hindi naman magkandatuto ang Malacanang sa pagpapaliwanag. Daig pa ang nakakain ng panis na ulam.

Naimbitahan lang daw ang pangulo sa nasabing kainan. Walang pondo ng bayan na ginamit sa taste test sa Le Cirque. Gayunpaman, pangit tingnan na sobrang sosyal ang ating mga opisyal habang marami sa mga kababayan natin ang isang kahig isang tuka. Lalo pa’t sariwa sa isipan ng marami ang 2,700 na pares ng sapatos na naiwan ni Imelda Marcos sa Malacanang noong nag-aklas ang sambayanang lumalangoy sa kahirapan.

Nagpapakita ito ng kawalan ng sensitivity sa parte ng gobyerno. Inalam kaya ni Arroyo ang lugar na kakainan bago nagtungo doon? O gutom na gutom na siya at nagmamadaling umorder? Kung nasabihan siya kung gaano ka-high class ang Le Cirque, piliin kaya niyang lumipat sa mas simpleng lugar? Anang tagapagtanggol ni GMA, natural lang na kapag inimbitahan ang pangulo hindi siya dadalhin ng kanyang host sa isang hotdog stand. Ganti naman ng Bayan: ano naman ang masama kung kumain sa  hotdog stand si Arroyo?

Siyempre pa hindi ganoon kasimple iyon. Bilang kinatawan ng ating bansa, inaasahan na nakaayos lagi ang pangulo tuwing haharap sa mga tao at kumakain sa disenteng lugar. Hindi kailangang marangyang kainan – basta maayos, maganda ang reputasyon at hindi nakakasira ng tiyan ang putahe. Dapat doon din sa lugar na madaling i-secure ng kanyang security escorts. Kung may mag-uungkat talaga, magkano kaya sa tingin n’yo ang bill ng grupo ni Arroyo? Hindi kaya eksaherado ang naiulat na ibinayad sa hapunan?

Lumabas kasi ang balita sa gossip section ng New York Post na hindi naman maituturing na bibliya ng pamamahayag. Ito ang tabloid na naglabas ng mga litratong nakahubad ang isang kilalang babaeng sportscaster. Nakunan siya ng mga namboboso sa isang hotel. Kamakailan din nagkaroon ng kontrobersiya hinggil sa editorial cartoon ng New York Post na sa tingin ng mga mambabasa ay nagkukumpara kay President Obama sa isang unggoy.

Sa kinasangkutang gulo ni GMA, naisip ko ang palagiang paalala ng aking mga magulang sa hapag-kainan: Dahan-dahan sa pagkain at baka kayo mapaso.